//
you're reading...
Opinions, Society

Pananamantala Para sa Katuwaan? Isang Pasususri sa Nangyari kay Jan-Jan sa Willing Willie

Pananamantala?

Pananamantala? Naging usap-usapan sa social media ang naging television appearance ng kasali sa Willing Willie na si Jan-Jan, isang anim na taong bata.

Matagal na rin akong hindi nanonood ng Willing Willie ng TV5, isang himpilan na yumayabong pa lamang, dahil madalas, pagkatapos ng TV Patrol, diretso na ako sa social media.

 

Ngunit kung inaakala ninyo na gustong-gusto ko si Willie Revillame at ang kanyang programa, hindi. Noong taong 2006, lumipat ako sa Eat Bulaga para sa aking panonood sa pananghalian dahil sa napapansin ko noon na si Willie ay tila yumayabang kasabay ng paglago ng palatuntunang Wowowee sa ABS-CBN. Lalo akong nagalit noong pinatanggal niya ang isang maliit na frame ng coverage ng ABS-CBN News ng paghahatid sa mga labi ng dating pangulong Cory Aquino sa Manila Cathedral.

Ngunit ewan ko ba sa aking sarili, ngunit, siguro, dahil sa pagnanais na makapanood ng makagagaan ng loob sa gabi, napag-isip-isip kong manood ng Willing Willie. Hindi naman kada gabi ang aking panonood, ngunit naiibigan ko ang Family Apir at Wiltime Bigtime na mga bahagi ng programa, dahil ito ay nakapagbibigay ng panandaliang aliw (hindi yung iniisip ninyong panandaliang aliw, kundi panandaliang pag-eskapo sa realidad ng aking buhay-estudyante).

Habang nasa Twitter, nabalitaan ko sa Twitter ng Manila Bulletin na binabatikos ang ginawa ni Revillame sa isang anim na taong gulang na bata na si Jan-Jan sa Wiltime Bigtime portion ng programa. Sa sanaysay na ito, susubukan nating isa-isahin ang mga isyu, kung mayroon man, sa episode ni Jan-Jan sa programa.

Pumasok si Jan-Jan sa entablado nang maluha-luha. Hindi ko alam kung siya ba ay kinakabahan o ano. Pinabati ni Willie ang bata, at ganito ang kanyang nasambit, at ang pagbibiro ni Willie.

Jan-Jan: Binabati ko si papa ko, may parlor, tsaka si mama, may birthday.

Willie: Ang tatay mo, may ano?

Jan-Jan: Parlor.

[tawanan]

Nagtanong pa ng ilang tanong si Wille sa bata patungkol sa trabaho ng ama ng bata, at sa kanyang ina. Ang tiya ng bata, na nagngangalang Jocelyn ang sumama sa bata sa studio.

Nang tanungin kung ano ang gusto niyang sabihin sa kanyang tiya, sambit ng bata, “Salamat sa pagdala mo sa akin dito.” Tila pilit ang kanyang tinig. Pinasalamatan niya rin ang kanyang ama sa pagpapadala sa kanya sa palabas. Yun lang.

At matapos ng sandaling iyon, nagsimula na ang aliw at pananamantala.

Macho dancing ang ipinakitang talento ng bata. Ito’y nakakabigla dahil anim na taong gulang pa lamang si Jan-Jan, ngunit marunong na siyang sumayaw nang ganito. Ngunit sa kanyang pagsasayaw, may mga luhang pumatak sa kanyang mga mata. Kitang kita ang kanyang emosyon sa pagsasayaw.

Tila pa pinagkatuwaan pa ni Willie ang bata. Nagsabi siya ng mga “dramatic” na linya, tulad ng “ginagawa niya ito dahil sa hirap ng buhay.” Inihambing pa nga ni Willie sa Burlesque Queen, isang pelikula, ang ginawa ni Willie. Kung papanoorin nang maigi, makikitang ginamit siya sa aliw.

Matapos nito, ay ilang beses pang pinagsayaw ni Willie ang maluha-luhang si Jan-Jan. At tulad ng dati, umiiyak pa rin ang bata sa kanyang pagsayaw. LIMANG beses pa siyang muling pinagsayaw, at ang panghuli ay engrande pa, with matching umaakyat na entablado.

Sa buong mahigit sampung minutong appearance ng bata sa entablado ng Willing Willie, tila ba pinagsamantalahan ang talento ni Jan-Jan sa programa, ito’y sa kabila ng pagiging emosyonal ng bata sa kabuuan ng programa. Alam niyo ba ang pakiramdam ng bata na napipilitang gawin ang isang bagay na ayaw niyang gawin, tama man ito o mali sa batas ng tao at Diyos? Kahit sa simpleng pagpipilit sa bata na lumangoy sa isang 2 feet na swimming pool, iiyak at iiyak ang bata, kahit ginagalaw na niya ang kanyang mga kamay at paa sa tubig.

Kung iisipin, maaari pa bang pagsayawin ng macho dance ang isang bata kahit na ito’y maluha-luha na? Sa tinigin ko, kung mayroon kang delicadeza, hindi na.

Ngunit kung inaakala ninyo na hanggang sa macho dancing lang ang isyu dito, mag-isip muli. May mas malaking suliranin dito.

Sa isang punto ng programa, tinanong ang bata kung sino ang nagturo ng sayaw na iyon. Ang sagot ng bata, “Sina tita at papa po.” Nakakagulat isipin na mismong tiya at itay ng bata ang nagturo. Hindi ko sinasabing masama ang mga taong ito per se (ito ay dahil sa katotohanan na nagtatrabaho ang ama ni Jan-Jan at inaalagan din ng tiya ang bata), ngunit nakakabahalang isipin na mga taong malaki na, mga taong may tamang pag-iisip sa kung ano ang dapat at hindi dapat ipakita sa bata, ang siya pang nangmulat sa bata sa macho dancing. Sa aking pagkaka-alala, sa inay ko natutunan ang mga unang hakbang ko sa cha-cha, at sa ama ko naman namana ang pagsayaw nang parehong kaliwa ang paa. Seryoso. Nakakabahalang isipin na ang tiya at ama ang nagturo sa bata ng macho dancing.

Nang tinanong kung ano ang ginagawa ng ama ni Jan-Jan at ang sagot ng bata ay “nasa parlor,” nagtawanan ang lahat. Ito ay isang epekto ng social stigma sa lipunan ng Pilipinas ukol sa parlor at mga taong nagtatrabaho rito. Dito sa ating bansa, kapag narinig mo na nagtatrabaho ang isang lalake sa parlor, siya ay isang bakla, at ito ay isang hasty generalization. Hindi natin dapat agad-agad pagtawanan ang isang tunay na lalake na nagtatrabaho sa parlor. Ngunit dahil sa social stigma na nakakabit sa mga parlor, nangyari ang nangyari. Napagtawanan ang bata dahil sa parlor nagtatrabaho ang kanyang ama. Sigurado ako na kung ang sinabi ng bata ay “barbero ang aking tatay,” walang tawanang mangyayari. Ang social stigma na ito ay isa sa mga dahilan ng pagkaka-stereotype sa mga bakla bilang mga “hanngang parlor lang.”

Sa lahat ng mga pagsasayaw ng bata, umiiyak ito. Malamang ito ay dahil sa naunang pagpapatawa ukol sa kanya patungkol sa kanyang ama. Ngunit kung papansining maigi, nang pumasok pa lamang si Jan-Jan sa entablado, manginid-nginid na ang luha nito. Dito ko napagtanto na may mas malalim na dahilan ang kanyang pagluha. Ayaw ko mang isipin, ngunit sumagi sa aking isipan na maaaring pinuwersa siya ng mga nakatatanda sa kanya na sumayaw ng macho dance at sumali sa programa. Maaaring napilitan ang bata na sumali kahit na ayaw niya. Malamang (ngunit hindi ko sinasabing sigurado ako), katulad din si Jan-Jan sa mga libo-libong bata na pinipilit ng mga magulang na mag-audition sa mga kung ano-anong palabas sa telebisyon.

Sa isyung ito, si Willie ang nagsimula ng pagpapatawa, ngunit may mga elemento ng lipunan na naka-apekto rin sa bata, tulad ng pagtuturo ng tiya at ama ng macho dancing at ang stigma ng pagtatrabaho sa parlor. Sa mga ganitong situwasyon, kailangang alamin ang hangganan ng katuwaan, ang kapakanan ng bata sa mga kung ano-anong pinapasukan nito, at kailangang isaisip kung magagamit sa pagpapatawa ang isang maling social stigma.

Advertisement

Discussion

One Response to “Pananamantala Para sa Katuwaan? Isang Pasususri sa Nangyari kay Jan-Jan sa Willing Willie”

  1. CORRECTION: Jan-Jan appeared on the show for more than 40 minutes, but the YouTube videos are 10 minutes long.

    UPDATES: Of course, you all know that MTRCB and even the Commission on Human Rights have started their own investigations. Also, tonight, it has been announced that Willing Willie is leaving the air temporarily.

    Posted by guiengarma | April 8, 2011, 10:24 pm

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

@itosiGuienGarma on Twitter

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 130 other followers