Nang dumating si US Secretary of State Hillary Clinton sa Pilipinas at nagpa-unlak ng isang conversation in Manila, biglaang nagprotesta ang punong patnugot ng Philippine Collegian na si Marjohara Tucay ukol sa mutual defense treaty at Visiting Forces Agreement. Ang Philippine Collegian, na mas kilala sa tawag na Kule, ay ang opisyal na pahayagan ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman.
Matapos ang naturang pangyayari, lumabas sa iba’t-ibang news websites ang flash protest ni Tucay. Kasunod nito ang ilang papuri at maraming batikos sa ginawa ng editor-in-chief ng Kule. Sa isang interview ng GMA News, sinabi ni Tucay na lumalayo na ang mga mamamahayag sa konsepto ng pagiging neutral. Pinuri pa siya ng isang dating patnugot ng Kule sa kanyang ginawa, at sinabi na pinaninindigan ng kanyang ginawa ang pagiging inclined ng Kule sa radical activism.
Ngunit napakaraming bumatikos sa kanyang ginawa. Marami ang nagsabi na ito ay isang tahasang paglabag sa ethics na kailangang sundan ng mga mamamahayag. Ako mismo ay naniniwala bilang isang dating mamamahayag na pangkampus na ang isang mamamahayag ay isang tagahayag ng balita, hindi bahagi ng balita. Pero ang ibang mga batikos, below the belt na. Dinamay ang buong pamantasan kung saan nag-aaral si Tucay: ang Unibersidad ng Pilipinas.
Hindi ako madalas magbasa ng mga komento sa mga news website, ngunit sa mga komento na ipinost ng ilan sa artikulo ng Yahoo! News, marami ang nagsasabing Yan ang problema sa mga taga-UP: mga aktibista na hindi na nakuntento sa kahit anong isyu. Rally ng rally, bakit? Makakatulong ba yang rally rally na yan?
Marami talaga sa mga komento ang nagsasabing salot sa lipunan ang mga taga-UP. Na komunista ang mga nag-aaral sa UP. Na walang utang na loob ang mga taga-UP sa pamahalaan na nagpapa-aral sa mga ito at nagagawa pang magprotesta laban sa pamahalaang nagpapa-aral sa kanila. Na walang naitutulong ang mga estudyante at alumni ng UP sa Pilipinas. Na kailangan na daw i-privatize ang Unibersidad ng Pilipinas para hindi na makapag-aral ang mga salot sa lipunan na mga aktibista at komunista na mag-aaral sa UP.
Saglit lang.
Upang tawagin ang lahat ng mga mag-aaral ng UP na aktibista, mga walang maitulong sa bayan, at higit sa lahat, komunista, ay isang napakalaking kasiraan sa malaking bahagdan ng mga mag-aaral ng pamantasan.
Ako mismo ay nag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas. Nakikita ko kada araw ang galaw ng mga estudyante. Madalas kong makita ang mga protesta sa Humanities Building. Isa ako sa napakaraming nakakabasa ng mga peryodikit at leaflet ng University Student Council at Sakbayan, ang partidong pulitikal sa UPLB na pumapabor sa student activism.
Ang akala ng marami, kapag nagkaprotesta sa UP, tumitigil ang mundo ng lahat ng estudyante. Nakikiprotesta ang mga estudyante. Ang totoo niyan, kung hindi tumigil nang kahit ilang minuto lamang ang buhay ng mga mag-aaral, nagpapatuloy lang ang buhay sa kanila kahit may protesta.
Ang akala ng marami, ang mga taga-UP ay pumapabor sa radical activism. Ang totoo niyan, hindi lahat ng mga mag-aaral ay pabor dito. Ang ilan nga, binabatikos ang radical activism.
Hindi lahat ng mga mag-aaral ng UP ay pabor sa student activism. May mga ilan na nananatiling objective sa pag-aanalisa ng mga isyu sa lipunan. May mga ilan na hindi nga nakikinig sa mga sinasabi ng mga aktibista sa pamantasan. Sa katunayan, [at ako'y dismayado rito] may mga mag-aaral ng UP na wala na ngang pakialam sa mga isyung nakaka-apekto sa mga nagpapa-aral sa kanila: ang Pilipinas. Hindi lahat ng mga mag-aaral sa UP, tibak.
Ang importante sa bawat estudyante ay ang makapag-aral. Iyan ang pinapahalagahan ng bawat estudyante sa kolehiyo, UP man o hindi. Alam namin na nasa pamantasan kami upang mag-aral. Kaya’t kapag sinabi ninyo na rally nang rally ang mga taga-UP, salgit lang, hindi lahat ng iskolar ng bayan, rallyista.
Ang unibersidad ay isang naiibang planeta: iba’t-ibang pananaw, iba’t-ibang perspektibo. Nasa estudyante na ang desisyon kung ano ang kanyang paninindigan at kung ano ang susundin niyang prinsipyo, dahil malaya naman tayong mag-isip. Ngunit narito ang isang napakahalagang mensahe. Hindi lahat ng mga estudyante ng UP ay aktibista. Hindi lahat ng mga estudyante ng UP ay salot sa lipunan. Higit sa lahat, hindi lahat ng mga estudyante ng UP ay mga budding communists.
Ang mga nakikita ninyong estudyante ng UP sa telebisyon na nagra-rally ay ilang bahagdan lamangng mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas. Karamihan sa mga estudyante ng pamantasan ay nag-aaral nang maigi upang marating ang karangalan at kahusayan (honor and excellence).
Sabi ng aking recitation instructor sa English 1, “You are UP students. Therefore, you must have a stand on issues affecting the country [that funds your studies].” Pinili ko na maging isang estudyante na nag-aaral nang maigi at kasabay nito, maging isang mausisang indibiduwal na kumikilatis sa mga isyung nakaka-apekto sa lipunan. Kahit may mga argumento at prinsipyo ang mga aktibista sa pamantasan na hindi ako sang-ayon, nirerespeto ko ang kanilang opinyon sapagkat iyon ang kanilang paninindigan. Agree to disagree, kumbaga. Ngunit aaminin ko rin na pabor ako sa pag-abolish ng large class policy, na pinaglalaban ng mga aktibista.
Ang pagsabi na lahat ng mga taga-UP ay aktibista, salot sa lipunan, at komunista ay isang maling pananaw ukol sa mga iskolar ng bayan, at ito ay hindi patas na paghuhusga sa karamihan sa mga mag-aaral ng UP na nag-aaral nang maigi.
Sa ngalan ng mga mag-aaral ng UP na hindi naniniwala sa radical activism, nawa’y namulat kayo kahit paano ukol sa aming mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas. Aming paninindigan ang turing sa amin: iskolar ng at para sa bayan, ang pag-asa ng bayan.
Discussion
No comments yet.