Tag Archives: Iglesia ni Cristo

Reflections on the Iglesia ni Cristo Protests

Gumising sa atin ngayong Lunes ng umaga ang balita na magdi-disperse na ang mga miyembro ng Iglesia ni Cristo na nagtipon-tipon at nagprotesta sa EDSA-Shaw. Ayon sa kanilang general evangelist na si Bro. Bienvenido Santiago, nagkasundo na raw ang pamahalaan at ang Iglesia.

Mukhang huhupa na ang situwasyon. Oras na upang tayo ay mag-reflect sa mga pangyayari na nagsimulang pumutok noong Biyernes.

***

Lahat naman tayo ay may karapatang magtipon-tipon upang ipahayag ang ating mga damdamin. Ngunit medyo nakapagtataka na habang ang mga aktibista at mga dissenter sa pamahalaan na gusto ring magpahayag ay pinahihirapan sa kanilang karapatang magtipon-tipon, mabilis itong nakuha ng INC.

Hindi maiiwasan ng mga tao na isipin na mayroong special treatment sa INC. Bakit nga ba pinagbigyan sila na magtagal hanggang Setyembre 4 sa Padre Faura? Bakit pinalampas ng pamahalaan ng mga lungsod ng Mandaluyong at Quezon ang pag-apaw ng mga miyembro ng simbahan sa EDSA noong Biyernes ng gabi, kung kailan maraming mga tao ang nagsisiuwian o pupunta sa mga sale sa mall? Lagi na ngang matrapik sa EDSA, madadagdagan pa.

Ito ba ay dahil sa pinahahalagahan ng mga pulitiko ang bloc voting ng Iglesia?

Ganyan at ganyan talaga ang maiisip ng mga hindi kaanib sa INC.

***

Ang naturang pagtitipon, sa aking tingin, ay isang public relations disaster in the making. Importanteng bahagi ng pagpoprotesta ang pagpapa-intindi sa mga mamamayan kung ano ba talaga ang inyong ipinaglalaban. Halimbawa, noong ginanap ang EDSA Uno at EDSA Dos, malinaw ang layunin: patalsikin ang mga nakaupong pangulo. Noong nag-Million People March, malinaw ang mensahe ng mga tibak, civil society, maging ang mga ordinaryong mamamayang nakilahok: sawa na sila sa kurakot na sistema, na pinapalala pa ng pork barrel na puwedeng gastusin ng mga senador at congressman nang hindi ini-uulat nang tama kung paano ito ginastos.

Pero ano nga ba talaga ang mensahe ng INC? Separation of Church and State? Okay, kung ganoon, ano po ba para sa inyo ang separation of Church and State? Bukambibig ng INC ang separation of Church and State, pero hindi pa rin naintindihan ng karamihan sa aming mga hindi kaanib ng Iglesia kung ano nga ba ang konsepto ninyo ng separation of Church and State. Sa pangkalahatan, ano ba talaga, in particular, ang inyong ipinaglalaban? Kung puro motherhood statements lamang ang inyong ipinapakalat, hindi talaga tayo magkakaintindihan. Paano kayo makakahanap ng mga kakampi mula sa mga mamamayang pangkalahatan niyan?

Mabuti na lamang at nagpaliwanag nitong Linggo ng gabi si dating congressman Dante Marcoleta sa NET25 ng ilang mga argumento.

Ngunit higit sa lahat, mahihirapan talaga ang naturang simbahan na makakuha ng simpatiya dahil sa ginawa nilang pagharang sa EDSA. Hindi sila sa kahalagahan ng protesta natalo, kundi sa praktikal na aspekto ng trapik sa kalsada.

***

Bilang pangwakas na personal note, hindi po lingid sa aking kaalaman na marami akong mga kaibigan na kaanib ng Iglesia. For the record, I have nothing against your faith. Nasa Saligang Batas naman natin na malaya ang sinuman na manalig sa anumang relihiyong kanyang panaligan, at nirerespeto ko iyon. Ngunit malaya rin ang sinuman na ipahayag ang kanyang opinyon, kapareho sa inyong karapatan na magtipon-tipon sa EDSA. Kanya-kanya tayo ng lenteng ginagamit sa pagtingin sa mga bagay-bagay. Magkagayumpaman, nawa’y manatili ang ating magandang personal na relasyon.

Humihingi na rin ako ng paumanhin para sa mga hindi kaanib ng Iglesia na tila sumobra ang pagkontra sa inyong pagkilos at humantong na sila sa mababa at hindi healthy na uri ng diskurso, sa pamamagitan ng mga personal na atake.

***

Darating tayo sa panahon na muli nating babalikan ang pangyayaring ito. Maaaring magkakaroon na tayo ng pag-sang-ayon sa isa’t-isa, maaaring magkasalungat pa rin tayo. Pero isang bagay ang sigurado: marami tayong natutunan sa tatlo’t kalahating araw na pangyayaring ito sa kasaysayan ng ating bansa.

Ang pagkilos na ito ng Iglesia ni Cristo ay hindi makukulong sa lente ng relihiyon, kundi sasailalim rin sa lente ng pulitika, pamamahala, ekonomiya, at komunikasyon.

[Featured photo from INQUIRER.net on Facebook.]

Estrada vs. Escritor: Ang Kasong Madalas Banggitin ng INC Upang Panindigan ang Kanilang Kalayaang Pangrelihiyon

Madalas na binabanggit ngayon ng ilang mga miyembro ng Iglesia ni Cristo ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Estrada vs. Escritor. Susubukan kong ipaliwanag ang kasong ito, base sa diskusyon ng kasong ito nina Marites Vitug at Criselda Yabes sa kanilang aklat na Our Rights, Our Victories: Landmark Cases in the Supreme Court.

Si Soledad Escritor ay hiwalay sa kanyang unang asawa. Nakilala niya si Luciano Quilapo, Jr., na hiwalay rin sa kanyang asawa. Taong 1980, nagdesisyon silang magsama.

Si Quilapo ay miyembro ng Jehovah’s Witnesses since birth. Si Escritor naman ay nagpa-convert sa Witnesses 10 taon matapos nilang magsama ni Quilapo.

Upang maging pormal ang kanilang pagsasama, nanumpa sina Escritor at Quilapo ng “Declaration of Pledging Faithfulness,” na katumbas ay kasal sa Witnesses. Ginagamit lamang ito sa mga bansa kung saan hindi pinapayagan ang diborsyo.

Habang nagtatrabaho sa isang lower court si Escritor, may isang Alejandro Estrada ang nagsampa ng reklamo laban sa kanya. Ani Estrada, imoral daw ang ginagawang pakikisama ni Escritor kay Quilapo. Pinaliwanag ni Escritor na ang kanilang pagsasama ni Quilapo ay naaayon naman sa kanilang relihiyon.

Sa kabila nito, kumbinsido ang hukom na duminig sa reklamo ni Estrada na dapat nga’y humarap sa kaso sa Office of the Court Administrator si Escritor. Dumulog na si Escritor sa Korte Suprema.

Ayon kay dating Chief Justice Reynato Puno, ang hukom na naghawak ng naturang kaso sa Korte Suprema, “To be held on balance are the State’s interest and the respondent’s religious freedom. In this highly sensitive area of law, the task of balancing between authority and liberty is most delicate because to the person invoking religious freedom, the consequences of the case are not only temporal.”

Inatasan rin ng Korte ang Office of the Solicitor General kung mayroon nga bang “compelling State interest” sa kasong ito – kung mayroon nga bang mababalewala o maa-undermine na mga institusyon ng Estado kung papayagan ng Korte ang unyon nina Escritor at Quilapo. Pumalya dito ang OSG.

Sa pinal na desisyon ni CJ Puno, ginamit niya ang “grave and imminent danger test.” Isinasaad nito na saka lamang maaaring mangi-alam ang Estado sa kalayaang pangrelihiyon (religious freedom) kung mayroong “grave and present danger… of a serious evil to public safety, public morals, public health… that the State has a right to prevent.” [emphasis added]

Binigyang-pansin nina Vitug at Yabes ang talatang ito sa desisyon ni CJ Puno: “The Court recognizes that state interests must be upheld in order that freedoms – including religious freedom – may be enjoyed. In the area of religious exercise as a preferred freedom, however, man stands accountable to an authority higher than the State… In the absence of a showing that such State interest exists, man must be allowed to subscribe to the infinite.” [emphasis added]

***

Sa esensya (o ayon sa aking pagkaka-intindi), ang sinasabi ng Estrada vs. Escritor, ang tao ay may kalayaang pangrelihiyon, at kinikilala ng Estado na pagdating sa pananampalataya ng isang tao, may otoridad na mas mataas pa sa Estado. Sa partikular na kasong ito, dahil naniniwala ang Jehovah’s Witnesses na ang kanilang “Declaration of Pledging Faithfulness” ay naaayon sa kanilang pananampalataya, at hindi naman ito makakapagpababa ng mga institusyon ng Estado, pumabor ang Korte Suprema kay Escritor.

Anang mga miyembro ng INC, hindi dapat mangialam si Justice Secretary Leila de Lima sa mga kaso ng INC dahil may separasyon ng Simbahan at ng Estado (separation of Church and State). Sa kabila ng mga akusasyon ng ‘di umano’y mga pagdukot at pagkulong sa mga ministro ng naturang simbahan, ipinipilit pa rin nila na ang isyung ito ay internal; hindi na dapat mangialam ang Estado.

Pero ang kaso ng illegal detention at kidnapping na inaakusa sa simbahan ay hindi ukol sa pagiging “accountable” ng tao – sa kasong ito, mga miyembro at ang pamunuan ng Iglesia – “to an authority higher than the State.” Ang illegal detention at kidnapping ay sakop ng batas ng tao (laws of man), at ito ay dapat imbestigahan at litisin nang naaayon sa batas ng tao. Sa madaling sabi, dahil ang illegal detention at kidnapping ay krimen ayon sa batas ng tao, dapat na imbestigahan ito ng Estado, sa pamamagitan ng Department of Justice.

Mayroon bang inaapakang karapatan ang INC sa mga ministrong dinukot raw nila – kung totoo nga ang mga naturang pandurukot? Meron, malamang. Isinasaad ng Article III, Section 1 ng ating Saligang Batas na “No person shall be deprived of life, liberty, or property without due process of law, nor shall any person be denied of the equal protection of the laws.”

Walang sinuman ang dapat pagkaitan ng kanyang kalayaang mamuhay, ayon sa ating Saligang Batas. Kung mapatunayang totoo na may mga dinukot ngang ministro ng Iglesia, malamang, nilabag nila ang kalayaang mamuhay ng mga dinukot.

Katulad ng mga miyembro ng Iglesia, ako rin mismo, bilang ordinaryong mamamayan na nasa labas ng naturang simbahan, ay naghahangad rin na makamit ang katotohanan ukol sa mga akusasyon laban sa INC. Dahil dito, naniniwala akong dapat ay hayaan ang DoJ na gampanan ang kanilang trabaho sa pag-iimbestiga sa mga akusasyon laban sa pamunuan ng naturang simbahan. Ngunit kung mananatili sila sa pagharang ng paggulong ng hustisya, hindi natin malalaman at mararating ang katotohanan.

After all, sinisiguro rin naman ng ating mga batas na ang inaakusahan ay “innocent until proven guilty.”