hands

Lumalabo (O Pag-ibig ayon sa PBB Teen Edition [2])

Gayong ang sulating ito ay bahagi ng seryeng Pag-ibig ayon sa PBB Teen Edition, ito ay mas nakatuon sa pagsisiyasat sa mga nangyayari ngayon sa lipunan. Kung nasaan ang kuneksyon ng PBB, basahin ang kabuuan ng sulating ito.

**********

Some of the biggest challenges in relationships come from the fact that most people enter a relationship in order to get something: they’re trying to find someone who’s going to make them feel good. In reality, the only way a relationship will last is if you see your relationship as a place that you go to give, and not a place that you go to take.

– Anthony Robbins

Libo-libong mga Pilipino sa buong bansa ang kasal na, o di kaya’y engaged, o di kaya’y in a relationship pa lamang. Samantala, milyon-milyong mga Pilipino ang nanliligaw sa mga sandaling ito. Habang binabasa mo ito, may lalaking nagte-text ngayon sa kanyang napupusuan, at sinasabing “Kailan mo ba ako sasagutin?” O di kaya’y may nasa mamahaling restaurant ngayon at nagfi-first date. Samantala, sa mga mas liberal na bahagi ng bansa (i.e. Maynila), may mga isang gabing nakatayo (#alamNa).

Iba na ang estado ng panliligaw at pakikipagrelasyon sa ating bansa. Iba na.

Ang Pilipinas ay kilala bilang isang konserbatibong lipunan, at iyan ay dahil sa mga kaugaliang ipinamana sa atin ng Espanya. Sino ba naman ang hindi nakakakilala kay Maria Clara? Mahinhin, at hindi basta-basta nakikipag-usap man lamang sa mga binata, puwera kay Ibarra, na kanyang ini-irog.

Hindi basta-basta ang panliligaw noon. May patnubay at gabay ng magulang ang panliligaw, dahil ang endpoint ng panliligaw noon ay kasal. Kapag si lalaki ay nanliligaw kay babae, iyon ay dahil sa gusto niya itong makasama habangbuhay bilang asawa. Ayon sa lumang pag-uugali at prinsipyo, ang pagsasama ng isang lalaki at isang babae ay hindi lamang pagsasama nila, kundi pagsasama rin ng mga pamilya (Sarahgats’s Blog, 2009). Kumbaga, kung ikaw ay lalaki, hindi lang ang ini-irog mo ang pinapakasalan mo, kundi maging ang pamilya ng babaeng ini-ibig mo.

Marami ding iba’t-ibang mga ginagawa sa panliligaw, tulad ng paghaharana, pagbigkas ng mga tulang nagpapatunay ng pag-ibig sa isa’t isa, at iba pa. Ayon pa rin sa Sarahgats’s Blog (Ibid.) at Wikipedia (2012), iba-iba rin ang nakagisnang pamamaraan ng panliligaw sa iba’t-ibang rehiyon sa Pilipinas. Halimbawa, sa Luzon, may tinatawag na tapat at harana (na halos magkapareho). Sa ilang mga kaso naman, mayroon pang middleman. Sa makabagong panahon, ito ngayon ang tinatawag na bridge. Sa Visayas, may tinatawag na pangagad o paninilbihan, kung saan ang lalaki ay gagawa ng mga gawaing bahay para sa pamilya ng babaeng kanyang nililigawan. Sa Mindanao, may mga pinagkakasundong ikasal sa mga Muslim.

Samantala, noong panahon ng pananakop ng Espanya, mayroong mga non-verbal clues na ayon sa historian na si Ambeth Ocampo ay fan language (Wikipedia, 2012). Kung anuman ang gustong sabihin ng babae sa lalaki, nakikita sa pamaypay ng babae.

Sa maiksing salita, ang malinaw na layunin ng panliligaw noon ay upang maging mag-asawa ang lalaki at babae.

Ngunit ngayon, nag-iba na ang lahat. Dahil sa impluwensiya ng liberalismo sa mga modernong Pilipino, nag-iba na rin ang mga nakagawian sa panliligaw, ngunit mas mahinay ito kaysa sa mga pamamaraan ng panliligaw sa kanluraning sibilisasyon (Ibid.). Sa katunayan, ang mga pagbabagong ito ay litaw na litaw sa Pinoy Big Brother Teen Edition 4, ang programang ayon sa ABS-CBN ay ang teleserye ng totoong buhay ng mga kabataang Pilipino.

hands
Nakakakita tayo ng lambingan ngayon sa #PBBTeens4. Screengrab mula sa http://www.youtube.com/watch?v=fhk8PqyWJLo&feature=youtu.be

Hindi maitatanggi na may mga lalaking housemate na lapit nang lapit sa ilang mga babae. Yung mga tipong may asaran, may kulitan, at kung anik-anik. Makikita mo na tila ba may affection sa bawat paglapit, sa bawat kalabit. May kaunting intimacy na rin ang nakikita. Kitang-kita kung paano kinukulit ng mga lalaki ang mga babae at kung paano nagre-react ang huli sa mga pangungulit na ito. Sa katunayan, may isang lalaking housemate na humingi pa ng halik sa isang housemate na babae.

Ang mga pangungulit at interaksyong ito ay nakakatangaap ng iba’t-ibang batikos mula sa mga nasa social media. Marami ang nagsasabi na kalandian ang mga ito.

At hindi naman maitatanggi. There is something bothering with these that we are seeing on the television.

Kung ang PBB ay repleksyon nga ng tunay na buhay ng mga kabataang Pinoy, masasabi natin na nag-iba na nga ng perspektibo ang henerasyon ngayon pagdating sa pag-ibig, pakikipagrelasyon, at maging interaksyon sa pagitan ng babae at lalaki.

Dati-rati, kapag nililigawan ng lalake ang babae, hindi pa puwedeng maghawakan ng kamay o di kaya’y mag-akbayan. Hindi puwedeng basta-basta magpaka-sweet sa mga pampublikong lugar, mula eskuwelahan hanggang parke o mall. Kahit na sinagot na ng babae si lalaki at mayroon na silang relasyon, hindi pa rin puwedeng basta-basta itong gawin.

Ngunit ano nga ba ang nangyari ngayon? Kahit saan ka yata, tumingin, may nilalanggam (#alamNa). May mga nag-aakbayan. Andaming naglalambingan at naghaharutan sa mga pampublikong lugar. Sa katunayan, kung pumunta ka sa malawak na parke ng pamantasan kung saan ako nag-aaral, huwag ka nang magtaka kung may makita ka doong mga mga masipag mag-make out kapag weekend.

Sadya na ngang nagbago ang perspektibo at pananaw ng bagong henerasyon patungkol sa pakikitungo sa kaibang kasarian. Ngayon, puwede nang magharutan ang mga wala pang committment. Ngayon, kahit saan, make-out place na.

Ngayon, maging ang kabataang Pilipino ay nagiging bahagi ng mga pagbabagong ito. May mga 13 anyos pa lamang, e may boyfriend o girlfriend na. May mga nasa hayskul pa lang, e mapusok na. May mga virtual lambingan pa nga sa social media. May mga bata pa lang, e playboy o playgirl na. At siyempre, hindi papahuli ang mga kabataang napapasabak sa premarital na pakikipagtalik. Andami nang mga kabataang lumalandi. Maraming batang umiibig, at maraming batang nasasaktan sa pag-ibig. (Cue the music: Love hurts!) Marami na nga ang pinagbago ng mga pananaw ukol sa pakikipagrelasyon.

At isa sa mga pinakahalatang epekto ng makabagong pamamaraan ng panliligaw at interaksyong ito ay ang pagsulpot ng mga salitang MU, complicated, at iba pa. Ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng status na it’s complicated? Paano mo masasabing may mutual understanding ang isa’t-isa? Wala naman ang mga kung anik-anik na ito noon, ha!

Couple
Hindi na malinaw ang depinisyon ng pakikipagrelasyon. Patunay? Yung mga terminolohiyang MU at it’s complicated. Larawan mula sa http://www.prelationshipinfo.com

Sa makabagong henerasyon, tila ba wala nang malinaw na linya ang pakikipagrelasyon at ang mga aksyon na kaakibat nito. Kung ngayon ay may mga MU at it’s complicated, kung ngayon ay puwede nang magharutan ang mga wala pang committment, kung ngayon ay may mga nakikita tayo sa telebisyon na mga kabataan na harutan nang harutan na kulang na lang ay gawin na ang #alamNa, aba, sadyang malabo na talaga ang estado ng pakikipagrelasyon sa mga kabataan ngayon. Tama nga ang susunod na quotation:

Even among ordinary folks, when asked whether they are single or married [or in a relationship*], a good number now respond with the now notorious word, “complicated.” It’s clear that the sense of fidelity is waning fast, is ebbing away in the minds of many of us.

– Fr. Roy Cimagala

* added by this blogger

Ano na nga ba ang nangyari kay Maria Clara? Ano na nga ba ang nangyari sa mga tinawag ni Gat Jose Rizal na mga pag-asa ng bayan?

Sige, ako’y konserbatibo pagdating sa usapang pag-ibig. Naniniwala pa rin ako na hindi kailangang ipagmalaki sa buong mundo sa pamamagitan ng public display of affection ang inyong pagiging sweet. Naniniwala pa rin ako na saka ko lamang puwedeng akbayan o hawakan ang kamay ng isang babae kapag mayroon kaming romantikong kaugnayan.

Hindi ko sinasabing walang karapatan ang mga kapwa kabataan na pumasok sa isang relasyon. Ang sinasabi ko lang naman, tila ba maging ang mga kabataan ay nagiging sangkot na rin sa mga gawain na hindi nararapat sa paningin ng lipunan at maging sa kanilang mga kapakanan. Hindi magandang tignan para sa isang 15-anyos na dalaga na maging malandi. Hindi magandang tignan para sa isang 16-anyos na lalaki na maging playboy. Hindi maganda para sa isang pares na wala pa rin namang lehitimong relasyon na magharutan na.

Ang kabataan ay ang pag-asa ng bayan, ika nga ni Gat Jose Rizal. Tayo ay ang pag-asa ng bayan. Ngunit paano tayo magiging pag-asa ng bayan kung ang ating mga kilos at galaw ay hindi repleksyon ng mga pangarap ng pambansang bayani para sa atin?

Kung ang mga nakikita natin sa edisyong ito ng Pinoy Big Brother ay sumasalamin sa kabataang Pinoy, aba, baka marami na ang nagsasabi nito:


**********

Samantala, sa usapang may kaugnayan sa PBB, kung ang opisyal na hashtag ng palabas ay #PBBTeens4, si Krizzy KalerQUI (@krisaQUInoSTD) sa Twitter ay gumagamit ng ibang hashtag. Kakaloka nga ang hashtag niya, e. Kung ano iyon, tignan niyo na lang ito sa Twitter.

Leave a comment