Tag Archives: beggars

(Under)Development Essay Series: Si Aling Florsephina

[PRESCRIPT: The (Under)Development Essay Series is my series of essays that will tackle development and underdevelopment from my perspective as a development communication student.]

Kung ikaw ay mapapagawi sa Lopez Ave. sa Los Baños, makikita niyo ang isang matandang babaeng may hawak na payong. Sa twuing may dadaan sa kanyang harapan, iniaabot niya ang kanyang kamay sa nagdaraan upang humingi ng kaunting tulong.

Noong ako’y nag-review para sa UPCAT noong summer 2010 sa LB, nakikita ko siya palagi malapit sa pasukan ng carpark ng Robinsons. Magmula noong panahong iyo, may mga tanong na sa isip ko ukol sa babaeng iyon. Paano kaya siya namumuhay? May mga kamag-anak pa ba siya? Hindi kaya siya nahihirapan sa kanyang kalagayan?

Sa aming DEVC 10 recitation class, pinagdadala kami ng larawan na nagpapakita ng underdevelopment. Isang araw bago ang recit, napagdesisyunan kong humanap mismo ng isang situwasyon ng kahirapan o kakulangan ng pag-unlad sa paligid ng Los Baños, at napagdesisyunan kong kunan ng larawan ang babaeng pulubi sa Lopez Ave.

Matapos ko siyang kunan ng larawan, muling lumutang sa aking isipan ang mga katanungang tinatanong ko sa sarili ko noong nagre-review ako. Kung kaya’t, sa unang pagkakataon, kinausap ko ang matanda.

Aling Florsephina
Ang mga larawang aking kinunan.

Siya ay si aling Florsephina, 74 na taong gulang. Maga-apat na taon na siyang namamalimos sa gilid ng Lopez Avenue. Tatlong taon lamang ang nakalipas noong namatay ang kanyang ina. Bago naging pulubi, tumutulong siya sa kanyang ina sa paglalabada at pagtitinda ng inihaw na mais sa palengke. Ngunit sa paglipas ng panahon, siya ay tumanda; hindi na niya kayang magbuhat ng mga mabigat na gamit. Dahil dito, upang makapag-ipon pa rin ng pera, nagdesisyon siyang mamalimos sa kalsada.

Wala siyang natitirang kamag-anak. Wala siyang asawa’t anak. Ngayon, siya ay nakatira sa isang kubo sa bundok. Kada araw, mula ika-7 ng umaga hanggang ika-4 ng hapon, siya ay naka-upo sa isang poste, humihingi ng kaunting tulong.

Nang aking tanungin kung may nararamdaman siyang sakit sa kanyang katawan. aniya, siya ay rinarayuma na, ngunit kinakaya pa ring tumungo sa Lopez Ave. upang mamalimos. Dahil sa pabago-bagong panahon ng LB, tinanong ko kung hindi ba siya nahihirapan na siya ay sala sa init, sala sa lamig sa kada araw na namamalimos siya. Malambot niyang sinagot, “Nanghihina na ako, anak. Ngunit dahil kailangan pa ring mag-ipon ng pera dahil ako’y matanda na…”

Nakalulungkot isipin na may mga matatandang namamalimos, kahit na alam na nila sa sarili nila na nanghihina na sila. Mapagtatanto natin na ang dahilan kung bakit sila ganito ay dahil sa mahirap sila, at mahirap sila dahil hindi nakarating sa kanila ang mga magandang epekto ng kaunlaran. Kumbaga, (ito ang aking sinasabi kapag pinag-uusapan ang problematique map), it ends up on poverty.

Marami pang mga aling Florsephina sa Pilipinas. Maraming namamalimos dito sa ating bansa dahil hindi sila inabutan ng kaunlaran. Sa susunod na apat na taon ko bilang mag-aaral ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangkaunlaran sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños, nawa’y matuto ako kung paano makatutulong ang komunikasyon sa pag-unlad ng bawat Pilipino.

At heto ang larawang aking ipinakita sa mga kaklase. Ito ang aking pinili sapagkat ipinapakita nito ang seklusyon ng mga nakaluluwag at mga naghihirap.