Tag Archives: telenovela

Nakaka-asar manood ng telenovela

Andaming natutuwa sa panonood ng mga telenovela. Daytime man o primetime ang slot na iyan, andaming mga kababayan natin na nanonood.

Ngunit habang tuwang-tuwa ang sanlibutan sa mga sabunutan, sagutan at kung anik-anik sa mga telenovela, ako nama’y adwang-adwa.

Hindi naman sa ayaw ko sa soap opera genre (sa katunayan, natatandaan ko na nagagandahan ako sa istorya ng Sana Maulit Muli), ngunit sa bawat pagkakataon na nakakapanood ako ng telenovela, parang may sumasapi sa akin at gusto kong ibalibag ang telebisyon.

Kunwari, sa telenovelang Aryana, kapag naririnig ko yung conyong dalagita na nagta-tantrum o di kaya pag magkakasama silang magkakabarkada, sumisigaw na lang ako nang basta-basta. Pusang gala kayo. Nag-iinarte pa! Akala mo kung sinong maganda. Sa eksena kung saan ang bida ay nasa school paper, ang sabi ko naman, Eh insecure ka. Wala ka sa school paper. Beh!

Ah basta, pag nakikita ko ang mga conyo sa Aryana, gusto kong ibalibag ang telebisyon.

Samantala, sa Walang Hanggan, may isang pangyayaring nuknukan ang predictability. Ang DNA result kay Daniel. Negative daw. E alam naman ng sankatauhan na anak nga ni Emily si Daniel.

Negative. Nakakagulat!

At hindi lang yan. Nung bata ako, napapa-iyak ako sa mga pang-aapi nina Princess Punzalan at Gladys Reyes. Noon, sinasabi ko, Pag nakasalubong ko yang mga yan, patay sila sa akin. [Pero manghang-mangha naman ako sa pagsabog ng bus sa Mula sa Puso. Yun ang epic!]

Lagi na lang, ako’y naasar, naadwa, at nagkaka-hypoglycemic episode   umiinit ang ulo ko sa mga teleserye. Hindi ko alam kung bakit. At hindi ko alam ang lunas dito, maliban sa pagpatay ng telebisyon. Siguro kanya-kanyang trip talaga yan. Siguro, hindi nga talaga para sa akin ang mga ganyang uri ng palabas.

At diyan nagtatapos ang isang pusang galang anik sa aking buhay. I-PBB Teens mo na nga ako.