Tag Archives: TV

Nakaka-asar manood ng telenovela

Andaming natutuwa sa panonood ng mga telenovela. Daytime man o primetime ang slot na iyan, andaming mga kababayan natin na nanonood.

Ngunit habang tuwang-tuwa ang sanlibutan sa mga sabunutan, sagutan at kung anik-anik sa mga telenovela, ako nama’y adwang-adwa.

Hindi naman sa ayaw ko sa soap opera genre (sa katunayan, natatandaan ko na nagagandahan ako sa istorya ng Sana Maulit Muli), ngunit sa bawat pagkakataon na nakakapanood ako ng telenovela, parang may sumasapi sa akin at gusto kong ibalibag ang telebisyon.

Kunwari, sa telenovelang Aryana, kapag naririnig ko yung conyong dalagita na nagta-tantrum o di kaya pag magkakasama silang magkakabarkada, sumisigaw na lang ako nang basta-basta. Pusang gala kayo. Nag-iinarte pa! Akala mo kung sinong maganda. Sa eksena kung saan ang bida ay nasa school paper, ang sabi ko naman, Eh insecure ka. Wala ka sa school paper. Beh!

Ah basta, pag nakikita ko ang mga conyo sa Aryana, gusto kong ibalibag ang telebisyon.

Samantala, sa Walang Hanggan, may isang pangyayaring nuknukan ang predictability. Ang DNA result kay Daniel. Negative daw. E alam naman ng sankatauhan na anak nga ni Emily si Daniel.

Negative. Nakakagulat!

At hindi lang yan. Nung bata ako, napapa-iyak ako sa mga pang-aapi nina Princess Punzalan at Gladys Reyes. Noon, sinasabi ko, Pag nakasalubong ko yang mga yan, patay sila sa akin. [Pero manghang-mangha naman ako sa pagsabog ng bus sa Mula sa Puso. Yun ang epic!]

Lagi na lang, ako’y naasar, naadwa, at nagkaka-hypoglycemic episode   umiinit ang ulo ko sa mga teleserye. Hindi ko alam kung bakit. At hindi ko alam ang lunas dito, maliban sa pagpatay ng telebisyon. Siguro kanya-kanyang trip talaga yan. Siguro, hindi nga talaga para sa akin ang mga ganyang uri ng palabas.

At diyan nagtatapos ang isang pusang galang anik sa aking buhay. I-PBB Teens mo na nga ako.

Lumalandi si Ateng? (O Pag-ibig ayon sa PBB Teen Edition)

Narito ang unang bahagi ng serye ng pagsisiyasat na pinamagatang Pag-ibig ayon sa PBB Teen Edition.

**********

Laging tume-trending sa Twitter. Pinag-uusapan sa kanto. At laman ng social media kada araw.

Panahon na naman ng Pinoy Big Brother, ang palabas sa telebisyon na nagsisilbi raw na salamin ng tunay na buhay ng mga Pilipino. Ngayong bakasyon, teen edition ang sumasahimpapawid: ang edisyon kung saan kapwa kabataan ang nasa bahay, kinukunan ng kamera 24/7.

Pinoy Big Brother House
Kung titignan sa ibang perspektibo, nakakapagpaliwanag ng mga bagay-bagay ang Pinoy Big Brother. Larawan mula sa Wikipedia.

Kung ang PBB nga ay ang salamin ng tunay na buhay ng kabataang Pinoy, ako’y maraming natututunan ukol sa estado ng kabataan. Sa salitang Ingles, I am getting enlightened.

Sa artikulong ito, susubukan kong suriin ang perspektibo ng mga kabataang babae pagdating sa pag-ibig, partikular ang perspektibo ng  isang housemate na nagbibigay-kulay (#alamNa) sa naturang palabas.

Kung palagi kayong nanonood, malamang, napapansin ninyo ang nagiging pag-uugali ng isa sa mga housemate sa bahay ni Kuya na tatawagin kong Ateng. Mula pa noong day 1, tila ba balak na talaga niyang magpapansin sa mga kalalakihan sa bahay. Sa katunayan, sinabi daw niya na sadya daw siyang lapitin ng mga lalaki.

Marami ang negatibong reaksyon ukol dito. Ako mismo ay rinding-rindi sa pagiging emosyonal ng housemate na ito pagdating sa usapang puso. Sino ba naman kasi ang maniniwala sa sinumang magsasabi na na-in love siya sa isang kapwa-housemate, e iilang araw pa lang naman sila sa bahay ni kuya?

At hindi lang diyan nagtatapos ang lahat. Dahil lapit nang lapit itong kinahuhumalingang kasama ni Ateng sa isa pang housemate, sinabihan daw ni Ateng ang kapwa-housemate na huwag nang lumapit sa kinahuhumalingan niya.

Sa katunayan, dahil sa kanyang pagiging in love ni ateng sa kapwa-housemate, nagpasumuno siya ng mainit na bitawan ng salita sa bahay.

Mayroon tayong dalawang isyu, kung gayon. Una, ang pagsasabi ni Ateng na na-in love siya sa kapwa-housemate gayong ilang araw pa lamang ang kanilang pananatili sa bahay. Pangalawa, ang pagsasabi ni Ateng sa isa pang housemate na lumayo siya sa kinahuhumalingan niya.

[1] Ang pag-ibig ay isang mahabang proseso. It takes so much time to determine whether or not you like the person. Kinakailangan ng masusuing pag-iisip at pagtatanto kung iniibig mo nga ba talaga ang tao. Sa kaso ni Ateng, nahumaling siya sa kapwa-housemate, gayong (1) ilang araw pa lang sila sa bahay, at (2) hindi naman nanliligaw itong lalaking housemate na kinahuhumalingan niya. Tama ba na sabihin ng isang dalaga na na-in love siya, considering these contexts?

Kung hindi yan pag-ibig, baka infatuation lang yan. Hindi naman talaga natin masasabi sa loob lamang ng ilang araw kung mahal na mahal natin ang isang tao. Kahit anong mangyari, hindi sapat ang sampung araw upang sabihin mong nahulog ka na sa kanya.

Tandaan natin na magka-iba ang crush, infatuation, at pag-ibig. Kapag sinabi mong crush ang isang tao, hinahangaan mo siya. Ang infatuation, ayon sa Wikipedia, ay:

… the state of being completely carried away by unreasoned passion or love: ‘expresses the headlong libidinal attraction’ of addictive love. Usually, one is inspired with an intense but short-lived passion or admiration for someone.

Kung gayon, aba’y di ako makapaniwala na may isang dalaga na na-in love sa isang binata kahit na ilang araw lang sila sa loob. Uulitin ko, ang pag-ibig ay isang mahabang proseso; hindi ito mapagkakasya sa loob lamang ng ilang katiting na araw.

[2] Dahil sa pag-ibig niya dito sa kapwa-housemate, sinabihan ni Ateng ang kapwa dalagang housemate na madalas lapitan ng kinahuhumalingan niya na lumayo na sa lalaki. Mayroon ba talagang karapatan si Ateng na sabihin iyon gayong wala naman silang relasyon ng lalaking housemate? Ano ba ang kaugnayan ng lalaki sa kanya upang sabihin iyon?

May karapatan si Ateng na sabihin sa isang kapwa babae na lumayo siya sa lalaki kapag ang lalaki at si Ateng ay may relasyon. Ngunit, wala namang relasyon sina Ateng at ang lalaki. Sa katunayan, hindi naman nanliligaw si lalaki kay Ateng. Ngayon, mayroon nga ba talaga siyang karapatan upang paglayuin sila? Ang sagot, isang malaking hindi.

Kung gayon, masasabi ba natin talaga na isang malanding dalaga si Ateng? Oo. Malandi si ateng. Ang tanong ngayon: bakit nga ba ganito ang ugali ni Ateng?

Maaari natin itong mapagtanto sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa kanyang family background. Wala siyang ama, at hindi nagagampanan ng kanyang ina ang kanyang mga tungkulin. Tila ba isa siyang biktima ng parenting absenteeism. Kung gayon, malamang, hindi niya sukat mawari kung ano talaga ang kanyang nararamdaman.

Naiintindihan ko. Tayong lahat ay may mga pinagdaraanan bilang kabataan. May mga panahon kung tayo ay nalilito sa kung ano ba talaga ang nararamdaman natin. Kailangan natin ng mga paglilinaw sa mga kalituhang ito. Ngunit kung minsan, ang mga kalituhang ito ang siyang nakakasira pa sa atin.

Si Ateng ay isang repleksyon ng isang bahagi ng kabuuan ng mga kabataan sa Pilipinas: malandi, ngunit may pinagdaraanan.

Malamang sa malamang, ang nararamdaman sa ngayon ni Ateng na pagtibok ng kanyang puso ay ito:

**********

Sa kasunod ng seryeng ito, sisiyasatin ang estado ng mga romantic relationship sa makabagong panahon at kung paano ito ipinapakita ng PBB.

Maraming salamat sa mga kaibigan ko sa social media sa pagsagot ng ilang mga tanong na may kaugnayan sa isyung ito. Dahil sa inyong mga opinyon, nakakuha ako ng iba’t-ibang perspektibo.